ADT at UCFC, susubukin pa para sa international tourney

Updated: Apr 8

Originally published by Bulgar Online Official


Dalawang koponan na naghahanda para sa mga malaking torneo ang magsusubukan sa pagpapatuloy ng 2022 Copa Paulino Alcantara sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Susubukan ng numero unong United City Football Club ang kakayahan ng mga kabataan ng Azkals Development Team sa nag-iisang laro simula 5 p.m.


Nagpakilala ng mabuti ang mga bagong kasapi ng Azkals sa 3-0 panalo sa Mendiola FC 1991 noong Lunes. Sa sumunod na laban, nagtabla ang UCFC sa matinding karibal Kaya FC Iloilo, 1-1. Ang UCFC ay nakatakdang lumipad patungong Thailand para sa 2022 AFC Champions League simula Abril 16. Ang karamihan ng ADT ay kakatawanin ang Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam ngayong Mayo.


Samantala, nagtagumpay ang Singapore sa Pilipinas, 2-0, sa kanilang FIFA Friendly noong Martes ng gabi sa Singapore National Stadium. Ito ang ikalawang sunod na pagkabigo ng Azkals kasunod ang 2-0 resulta kontra Malaysia noong Marso 23 sa parehong palaruan.


Maaga pa lang ay naka-goal ang Lions salamat kay Safuwan Baharudin na inulo papasok ang bola galing sa corner kick sa ika-10 minuto. Humirit ng isa pa ang Singapore sa ika-90 minuto ang reserbang si Shawal Anuar galing sa pasa ni Hariss Harun.


Dumating ang Azkals na 14 lang ang manlalaro matapos pumasok sa health protocol ang ilang kasapi ng koponan. Lalong nalumpo ang Pilipinas at ipinalabas sa laro si defender Diego Bardanca sa ika-39 minuto matapos bigyan ng dalawang magkasunod na yellow card dahil sa mga hiwalay na malakas na foul kay Amy Recha at Harun.

0 views0 comments