AFC Champions League at AFC Cup 2022, UCFC sa Group G

Originally published by Bulgar Online Official


Nabunot ang United City Football Club ng Philippines Football League (PFL) sa Grupo G ng prestihiyosong 2022 AFC Champions League na magsisimula sa Abril. Kasama ng mga Pinoy ang BG Pathum United ng Thailand, Jeonnam Dragons ng Timog Korea at Melbourne City ng Australia.


Ang BG Pathum ang kampeon ng Thai League One habang ang Melbourne City ang hari ng A League. Naglalaro ng Dragons sa Division II ng Korea subalit ginulat nila ang mga higante upang mauwi ang Korea FA Cup.


Itinalaga ang United City ng Philippine Football Federation (PFF) bilang kinatawan ng bansa matapos tuluyang napaliban ang 2021 PFL. Ito na ang ikalawang pagkakataon na lalahok ang koponan sa ACL Group Stage matapos ang unang sabak noong 2021.


Malaking hamon ang nakaabang sa United City sa pag-alis kamakailan sa koponan ni forward Bienvenido Maranon. Maliban kay Maranon, naunang umalis isa-isa matapos ang 2021 ACL sina Jai Ingham, Miggy Clarino at Amin Nazari.


Gaya noong 2021, ang group stage ay gaganapin sa isang lugar lang. Ang championship ay inurong sa Pebrero 2023 upang magbigay daan sa 2022 FIFA World Cup Qatar sa Nobyembre.


Ang isa pang pambato ng Pilipinas na 2021 Copa Paulino Alcantara champion Kaya FC Iloilo ay daraan muna sa qualifier para sa ika-apat at huling pwesto sa Grupo H.


Nakatakdang harapin ng Kaya ang isa sa koponang Australyano na Sydney FC, Central Coast Mariners o Melbourne Victory sa Marso 8 at kung papalarin ay maglalaro sila ng Changchung Yatai ng Tsina sa Marso 15 para sa karapatang samahan ang nauna na Jeonbuk Hyundai ng Timog Korea, Yokohoma F Marinos ng Japan at Hoang Anh Gia Lai ng Vietnam.


Kung sakaling hindi matuloy sa ACL, babalik ang Kaya sa 2022 AFC Cup kung saan may naghihintay sa kanila sa siguradong pwesto sa Grupo G. Nabunot din sa nasabing grupo ang Bali United ng Indonesia, Kedah Darul Aman ng Malaysia at ang magwawagi sa playoff sa pagitan ng Visakha ng Cambodia at Young Elephants ng Laos.


Nakatakdang sumipa ang AFC Cup sa Hunyo 24 at gagawin din ito sa centralized venue gaya ng ACL. Noong nakaraang taon, biglang ipinaliban ng AFC ang lahat ng laro sa ASEAN Zone at walang kinatawan ang rehiyon sa playoffs.

0 views0 comments