Copa Cup: UCFC at Kaya, patas; Azkals, nilapa ang Mendiola

Originally published by Bulgar Online Official


Natapos sa 1-1 tabla ang tapatan ng mga higanteng koponang United City Football Club at Kaya FC Iloilo sa tampok na laro sa 2022 Copa Paulino Alcantara Lunes ng gabi sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa unang laro, nagpakilala ng mabuti ang bagong henerasyon ng Azkals Development Team sa 3-0 tagumpay sa Mendiola FC 1991.


Unang naka-goal para sa UCFC ang bagong talagang kapitan na si Mike Ott sa ika-34 minuto. Naagaw ang bola sa mahinang sipa ni Kaya goalkeeper Zach Banzon at hindi nag-aksaya ng panahon si Ott na ipasok ito.


Nakapantay ang defending champion Kaya matapos burahin ni Daizo Horikoshi ang mahigpit na depensa ni Jordan Jarvis at hindi napigil ni goalkeeper Matt Silva ang sipa sa ika-56 minuto. Parehong umakyat sa apat na puntos ang 2 koponan subalit lamang ang UCFC sa goal difference bunga ng 4-0 panalo sa Maharlika FC Manila noong Marso 24 kumpara sa 1-0 panalo ng Kaya sa Maharlika din upang buksan ang torneo noong Marso 14.


Tiniis ng Azkals ang matinding mainit na panahon at pisikal na laro ng Mendiola hanggang mapasok ni kapitan Scott Woods ang penalty kick sa pagtatapos ng first half bunga ng malakas na tulak ni kapitan Jim Ashley Flores ng Mendiola kay Jermi Darapan. May pagkakataon na makabawi si Flores at saglit lumayo si goalkeeper Enrico Mangaoang sa kanyang puwesto subalit milagrong naharang ni defender Jaime Rosquillo ang bola sa ika-72 minuto.


Tila ginanahan ang Azkals mula roon at sumunod ang mga goal ng mga reserbang sina Sky Guerrero sa ika-75 at Lance Ocampo sa ika-83 minuto. Agad umakyat ang Azkals sa 2nd place sa 7 koponang liga na tatakbo hanggang Mayo 23.

0 views0 comments