Football: Copa Paulino Alcantara aarangkada sa March 14

Originally published by Remate Online


MANILA, Philippines – Nakatakdang sumipa ang 2022 season ng Philippines Football League (PFL) sa Marso 14 na Copa Paulino Alcantara sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.


Ipinangalan ang kumpetisyon kay Filipino football legend Paulino Alcantara, ay lalahukan ng pitong club na maglalaban-laban para sa Cup na tatagal ng tatlong buwan mula Marso hanggang Mayo upang magsilbing curtain-raiser sa kompetisyon sa liga.


Ayon sa mga opisyal ng PFF na pinamumunuan nina Mariano Araneta, Jr. at pangkalahatang kalihim na si Atty. Malugod, maglalaro ang mga club ng mas maraming laban ngayong taon kumpara sa nakalipas na dalawang season.


“Matagal nang nananabik ang mga tagahanga ng football sa mahabang laro ng football, at panahon na para magkaroon tayo ng tamang season ng liga na lilikha ng tunggalian at storyline sa mga kalahok na club,” ani Araneta. “Ang Copa Paulino Alcantara ay isa ring perpektong kumpetisyon para sa mga club upang maibalik ang kanilang fitness sa oras para sa liga.”


Maghaharap ang pitong club sa single-round robin format na may kabuuang 21 laban. Magtatagpo sa semifinals ang nangungunang apat na koponan sa elimination round. Ang mga matatalo sa semifinal ay maglalaro sa labanan para sa ikatlo at ang mga nanalo sa semifinal ay maghaharap sa huling laban.


Bubuksan ng defending Copa Paulino Alcantara champion Kaya FC-Iloilo at Maharlika Manila FC ang Cup proceedings sa Marso 14, na susundan ng fixture sa pagitan ng United City FC at Azkals Development Team.


Bilang pagsunod sa mga pambansang alituntunin upang maiwasan ang COVID-19, ang Cup ay isasagawa sa ilalim ng open-environment na may testing at closed-circuit protocol na isinumite at inaprubahan ng Games and Amusements Board.


Bukod pa rito, magpapatupad din ang PFL ng stop and go scenario kung sakaling tumaas ang Alert Level sa Carmona, Cavite para mabawasan ang pagsisikip ng fixture ng kompetisyon.


Sinimulan na ng mga club ang kanilang paghahanda sa mga sesyon ng pagsasanay na patuloy na napapailalim sa pag-apruba ng kanilang mga protocol sa kalusugan at kaligtasan ng kani-kanilang mga yunit ng lokal na pamahalaan.

0 views0 comments