UCFC-PFL, sasabak sa AFC Champions League

Originally published by Bulgar Online Official


Patungo na ang United City Football Club ng Philippines Football League (PFL) sa Thailand matapos italaga ng Asian Football Confederation (AFC) ang kapitbahay na bansa bilang isa sa mga host sa 2022 AFC Champions League group stage simula sa Abril. Maliban sa Grupo G na kabilang ang UCFC, gaganapin din sa Thailand ang Grupo F at J.


Haharapin ng mga kampeon ng 2020 PFL ang Thai League One champion BG Pathum United, Korea FA Cup champion Jeonnam Dragons at A League champion Melbourne City. Target ng mga Pinoy na lampasan ang best performance noong 2021 nang magtala ng isang panalo, isang tabla at apat na talo.


Ilalabas ng UCFC ang listahan ng bagong manlalaro upang samahan si kapitan Stephan Schrock. Isa-isang naglipatan sa ibang bansa ang mga bituing sina Bienvenido Maranon, Jai Ingham, Justin Baas at magkapatid na Omid Nazari at Amin Nazari.


Ang iba pang host ay ang Vietnam para sa Grupo H at Malaysia para sa Grupo I. Daraan pa sa qualifier ang 2021 Copa Paulino Alcantara champion Kaya FC Iloilo at kung palarin ay may puwesto sa Grupo H kasama ang K League One champion Jeonbuk Hyundai, V League One champion Hoang Anh Gia Lai at Guangzhou ng Chinese Super League (CSL).


Haharapin ng Kaya ang Sydney FC ng A League sa Marso 8 at kung magwawagi ay lalaban ang Changchun Yatai ng CSL para sa pagpasok sa sa Grupo H. Nagsimula na ng ensayo ang Kaya at lalong pinalakas ang koponan mula kina Jarvey Gayoso ng Azkals Development Team (ADT).


Matatandaang inihayag ng koponan ang paglipat sa kanila ng mga kabataang manlalaro na sina Mar Vincent Diano, Sandro Reyes at Oskari Kekkonen galing ADT. Bumalik din ang beteranong si Robert Lopez Mendy matapos maglaro sa Cambodia noong 2021.


Sasamahan ang iba pang magbabalik sa pangunguna ni kapitan Jovin Bedic, Kenshiro Daniels, Simone Rota, Arnel Amita, Eric Giganto, Fitch Arboleda, Jhan Melliza at Zach Banzon. Ang mga banyaga ng koponan ay si Carlyle Mitchell ng Trinidad and Tobago at mga Hapon na sina Ryo Fujii at Daizo Horikoshi.

0 views0 comments